Kain Kain sa Tren

Dito sa Kalakhang Maynila, nararamdaman mo ang pressure na sundin ang ginagawa ng iba, ang hindi sumunod sa mga patakaran o sa mga tamang gawi para maging maayos ang takbo ng buhay sa isang lungsod.

Mapa-daan man o sa mga gusali, ang dami mong makikitang pasaway na hindi sumusunod sa maging sa mga pinakasimpleng patakaran na madaling sundin: Mula sa jaywalking hanggang sa no smoking indoors, at iba pa.

Pagdating sa mga tren dito sa Kamaynilaan, nakikita rito ng buung-buo kung gaano hindi magawang maging masunurin ang Pilipino. Mga pasaherong nagmamadali sa pagpasok, nagtatakbuhan para makahanap ng mauupuan tuwing may skip train, nagpupumilit na isingit ang sarili sa loob ng sasakyan kahit kitang-kita puno na’t siksikan.

Para sa’kin, sinusubukan ko na huwag masyadong gawin ang ginagawa ng iba, kahit kung ito ay ikakatagal sa pag-uwi ko.

Mahalaga ring isipin na hindi lang ikaw ang gumagamit ng pasilidad na ito kungdi maging ang mga libu-libong mga mananakay araw-araw na gusto lamang makarating sa mga pupuntahan nila kaya gawin natin dapat na gawin natin ang sakay natin sa tren na komportable para sa isa’t isa.

Nakakainis lang talaga sa tuwing nakakakita ka ng mga taong hindi magawang sundin ang isang simpleng bagay kagaya ng pagkain sa loob ng tren. Maliban sa mga sitwasyon tulad ng pagpapakain sa mga sanggol, nakakapagdulot ng balisa sa mga pasehero ang makitang kumakain ng tsitsirya ang isang kapwa mananakay, at ang kinakain ay sumisingaw sa loob ng bagon.

Mga ilang beses ko na itong naranasan mula noon pa. Sa lahat ng mga occurences na iyon, nakakuha lang ako ng isang pagkakataong makapagsita ng pasaway. Nararamdaman ko kung ano marahil ang nararamdaman ng marami iba na apektado sa pagsusuway ng isang taong ito pero hindi nila magawa na umimik. Ako rin, hindi ko inaakala na magagawa akong makapagsita ng pasaway. Siguro kung alam naman na nasa lugar ang aking paninita (kumakain ng mani na may malakas na singaw ang commuter na nasa harapan ko), mauunawaan ng mga katabi ko ang aking naging kilos.

Mahirap lang kapag nangyari ulit kagaya ng kasong naganap kamakailan sa akin, malapit ka man sa lugar ng pinangyayarihan ngunit hindi mo magawang makapagsita dahil hindi ka direktang apektado dala ng kaunting kalayuan mula sa mga taong gumagawa nito. Dahil doon, umaasa ako na ang mga kapwa pasaherong mismong naiistorbo sa pagkakain ng tsitsiryang Hornets ng dalawang estudyanteng kolehiyala galing Maynila ang mismong magsisita sa kanila.

Pero imbes na iyon ang nanyari, sinubukan na lang nila na hindi sila pansinin at tiisin na lamang ang singaw na nanggagaling sa lalagyan ng pagkain. Ang masama pa, kitang-kita na matapos hawakin ng mga galamay ng mga taong pasaway ang nginunguyang nilang tsitsirya, ginamit pa nila ito sa paghawak ng mga handles at metal railings. Makikita na wala talaga silang konsiderasyon sa mga kapwa pasahero.

Bakit ba ang hilig natin sumuway maski sa pinakamadaling bagay na kaya nating sundin sa loob ng tren? Ito ba ay nagsasalamin sa malaking problem na ikinakaharap ng ating lipunan, ang pagsunod sa mga alintuntunin at patakaran na tutulong dapat para tayo ay umunlad bilang mamamayan ng ating bansa.

O hindi kaya’y nararamdaman natin ang mga resulta ng mga dekadang hindi nagawang paunlarin ng ating mga pinuno nang tama ang ating bansa, kaya tayong mga karaniwang mamayan ay nahihirapan at nagkakayod para mamuhay at nawala na ng pakialam natin sa ating kapwa.

Share this post