Language/Wika, Higit/Kulang, Pantay

 

 

Filipino

Filipino Language.
Image courtesy of: http://orchestroscopy.blogspot.com/2011/08/filipino-language-of-streets-on-james.html

 

Ginugunita nating mga Pilipino ang Agosto bilang Buwan ng Wika kung saan ating pinagmamalaki ang Wikang Pambansa na Filipino at maging ang higit sa isang daang wika at dialektong ginagamit ng ating kababayan sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.

Isang malaking isyu tuwing Agosto ang papel ng Wikang Pambansa sa lahat ng aspeto sa buhay ng mga Pilipino, maging ang pantay na antas nito sa ating opisyal na pangalawang wika, ang Ingles. Kilala ang Ingles bilang wika ng komunikasyon, negosyo at globalisasyon. Sa madali’t sabi, isang malaking pakinabang sa ating kababayan na nais pumasok sa mga propesyon kung saan Ingles ang isa sa mga pangunahing pangangailan nito. Ang Filipino naman ay wika rin ng komunikasyon kung saan ito ay nagsisilbing pangunahing “lingua franca” ng lahat ng Pilipino.

Isa sa mga problema na hinaharap ng Filipino, at maging ng Ingles, ay ang papel nito sa edukasyon ng kabataang Pilipino. Laging sentro ng debate ay kung alin sa dalawa ang dapat gamitin bilang pangunahing “medium” ng pagtuturo. Karamihan sa mga subjects na tinuturo gaya ng Matematika at Agham ay karaniwang tinuturo gamit ang Ingles. Ang Filipino naman ay karaniwang ginagamit bilang pagturo sa mga leksyon na may kinalaman sa mga araling panlipunan, wika at pagbasa.

Noong ako ay nag-aaral pa, wala akong naranasang problema sa paggamit ng 2 wika sa pagtuturo ng mga leksyon. Sa totoo nga, uso sa aming mag-aaral na magcode-switch sa pagitang ng Filipino at Ingles para mabuti naming maintindihan ang mga leksyon, lalo na sa Math at Science. Sa mismong subject ng English, kadalasan ay kinakailangan talaga kaming magsalita sa wikang iyon pero may mga pagkakataon na niluluwag ang paghihigpit. Nagpapasalamat ako na ang kakayahan kong magsalita’t magsulat ng dalawang wika ay nanatiling matatag dala sa mga taong ako ay sinanay sa paaralan, sa bahay, at sa pagbabaasa  mga libro at iba pa.

Ang argumento ng mga grupong nais na maging wika ng pagtuturo ang Filipino ay para sa pagbubuo ng pambansang kamalayan sa pagmamalaki sa wikang sariling atin. Bukod doon ay upang mas lalong maintindihan ng karamihan ng mga mag-aaral ang mga tinuturong leksyon. May nabasa pa ako noon na kinakailangan din na may mga salita sa Wikang Pambansa (at maging sa ibang mga wikang Pilipino) na unti-unting naglalaho dala ng hindi madalas na paggamit nito ng bagong henerasyon. Ito daw ay ang tanging paraan para mapanatili ang kagandahan at kayamanan ng ating mga wika.

Sa mga nag-aadvocate na ang Ingles ay ang gamitin bilang medium of instruction, ang sabi nila na ito ay isang kapakipakinabang kasangkapan para sa madaling pagpasok sa mga industriya sa loob at labas ng bansa. Ang kakayahan ng mga Pilipino na magsalita ng Ingles ay ang dahilan kung bakit ang ating bansa ay isa sa mga nangunngunang sentro ng industriya ng business process outsourcing (BPO). Ang ating kakayahan na magsalita ng Ingles ay sumasalamin sa pag-aangat ng kalidad ng buhay natin bilang mga mamamayan. Maganda rin na tayo ay magaling dito para tayo ay handa sa pagpasok ng globalisasyon.

Kamakailan ay ganap na ang implementasyon ng bagong sistema ng edukasyon sa Pilipinas, ang K-12 Education System, na naglalayong mas mapabuti ang kakayahan ng mga estudyante na matuto sa tulong ng pagdagdag nang dalawa pang taon/baitang at ng kindergarten. Sa unang mga taon ng pag-aaral, ang pangunahing wika ng pamayanan (o kilala bilang mother-tongue) ang gagamitin bilang wika ng pagtuturo hanggang sa ikatlong baitang (Grade 3) habang simula sa unang baitang (Grade 1) sa panahon na Filipino at Ingles ang gagamitin sa pagtuturo ng mga mahihirap na leksyon.

Kahit papaano ay makakatulong bilang pangmatagalang solusyon na pagpreserba ng iba’t ibang wikang Pilipino ngunit hindi pa rin ako komportable sa estado ng Ingles at Filipino. Marahil pagkatapos ng isang dekada mula sa implementasyon ay makikita natin ang magiging kinalabasan ng programa.

Hindi natin maikakaila na malawak ang hindi pagkapantay-pantay ng antas ng Filipino at Ingles sa isa’t isa. Ngunit, hindi natin matukoy kung alin ang mas humihigit kaysa sa isa pa. Kilala ang Ingles bilang wika daw ng mga edukado habang ang Filipino ay wika ng masa kung saan kahit sino, hindi bale kung ano ang antas nila sa buhay, ay marunong magsalita. Pareho sa kanilang dalawa ay may hinaharap na problema dala ng mga gawain at kaganapan na nagpapalala sa pag-unlad natin bilang bayan. May ilan na ring mga indibiduwal ang nag-address na rin sa isyung ito ay kaliwa’t kanan ang pagbugay at maging pagbatikos sa mga sinulat ng mga ito. Isang kilalang halimbawa ay ang sinulat na artikulo ni James Soriano sa isang pahayagan na umani ng halu-halong reaksyon sa mga nakararami noong nakaraang taon. Masakit man isipin ay may katotohanan ang mga ibinigay niyang punto, lalo na pagdating sa ating pagka-Pilipino.

Tambalang dahilan ng pagsira ng ating wika

Maraming problema ang hinaharap ng Wikang Filipino. Dala ito sa hindi ganap na paghigpit sa kung paano ito dapat pinalalaganap sa pang-araw araw na  buhay natin gaya ng mga pahayagan, street sign at iba pa. Hindi ganap na maunlad ang wika natin dahil sa tingin ko ay masyadong maluwag ang Surian ng Wikang Pambansa. Sa media mas halata ang ganitong pagluluwag kung kaya kapansin-pansin ang paglalaganap ng mga salitang kolokyal na popular na ginagamit ng nakararami, lalo na ang kabataan. Ang paglaganap ng “gay lingo” ay isa ring nakakabahalang problema ngayon, lalo na kung makikinig ka sa mga himpilang radyo na FIlipino ang ginagamit na wika. Hindi naman sa ako ay nanawagan na dapat pagbawalan ang ganitong klaseng paggamit ng ating wika, kinakailangan ng mahigpit na regulasyon sa kung paano gamitin ang ating wikang pambansa. Sa tingin ko nga na wala talagang kakayahan ang surian sa gawin ang mga nais ko sana mangyari. Nakapanghinayang kung wala nga talaga silang kapangyarihan upang maging regulado ang paggamit ng ating wika. Kung mayroon man, iyon ay sa gayon ay hindi natin maabuso ang ating wika.

Kung ang Filipino ay overexposed sa mga mamamayan, kabaliktaran naman ang hinaharap ng Ingles. Marami sa ating mga kababayan ay may katamtamang pagkakaintindi ng wikang Ingles ngunit kapansin-pansin na marami sa mga kabataan ngayon ay hindi kataasan ang kanilang antas ng paghawak ng Ingles. Malaking factors dito ang kawalan ng English-language programming sa mga pangunahing himpilan ng telebisyon at radyo ngayon. Karamihan sa mga palabas na Ingles ang gamit ay matatagpuan na lamang sa cable at iilang himpilan sa radyo telebisyon na “niche“. Ayon sa isang kakilala kong taga-telebisyon na isa sa mga tumatakbo ng isang dating English-oriented TV network na kinailangan nila na mabago ang kanilang programming para makahatak ng mas maraming manonood (na siguradong advertiser-friendly) para makasiguro ang kanilang pananatili sa ere na pangmatagalan. Sa kasamaang palad ay ang unti-unting pagtanggal ng mga programang Ingles kung saan sila ay mas kinikilala ang naging kapalit para ang himpilan ay mabuhay sa kanila. Sana lamang ay nakaisip sila ng ibang paraan upang hindi nila tuluyang masira ang pagkakilanlan nila, lalo na sa mga tao na nagsasabi na sa kanila sila unang natuto na mag-Ingles.

Malakas ang kapangyarihan ng media sa paglalaganap ng mga ideya at kaalaman sa karaniwang tao. Dahil sa media ay humigit pa sa simpleng paglalaganap  sa masa ang ating wikang pambansa, ito ay umabot na sa puntong inaabuso na ang wikang Filipino na nakakahinggil sa tuluyang pag-unlad nito. Ang hindi pantay na pagtrato ng media sa wikang Ingles naman ay patuloy na nagbibigay panganib sa malaking posibilidad na sa darating ng mga taon na ang kawalan natin ng kakayahan na magsalita sa Ingles ay maghahdlang sa pag-unlad ng ating bansa.

Ayon sa Artikulo XIV Seksyon 7 ng ating Saligang Batas: “Ukol sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.”. Klaro na sinasaad ang pantay na paggamit ng parehong wika kung kaya ni isa ay mas higit o kulang kaysa sa iba.

Sana wala akong tinamaan na tao dito. PAX!

 

 

Share this post